Iba na ang tubig kapag mataas na ang buwan

Artcard by the Author

Humahaplos ang hangin sa puno ng niyog, ang kanilang mga dahon ay sumasayaw sa ilalim ng liwanag ng buwan. Ang mga alon ay lumalapit at humahampas sa dalampasigan. Para kay Paolo at Aidan, ito ang perpektong oras para tuparin ang kanilang matagal nang inaasam na paglangoy sa gabi. Dalawang araw na ang kanilang pamilya sa resort na ito para mabakasyon at pinagbabawal na sila maglaro sa labas ng kanilang tinutuluyan pagsapit ng 5 ng hapon. Dahil na rin sa kasabikan nilang maglaro, maghapon nilang kinulit ang kanilang ina, hila-hila ang kanyang palda, at pinipilit ang kanilang hiling. Nakakaakit nga naman ang kumikislap na liwanag sa tubig tuwing gabi na tila may mahiwagang ningning. 

“Paolo, Aidan” tawag ng kanilang ina, “Hindi na kayo pwede maglaro sa dagat, ha? Anong oras na, oh! Malapit na mag-alas onse. Iba ang tubig dito kapag mataas na ang buwan.” habang nagpapalit ng kobre kama. Normal lang naman na mag-alala siya sa kanyang dalawang anak na kakatungtong pa lamang sa elementarya, pero hindi ito naiintindihan ng kanyang anak. 

Napatingin si Paolo sa malayo at nawala ang kanyang ngiti. Hindi kumalas ang tingin ni Aidan sa kanilang ina dahil umaasa siyang magbabago ang kanyang isip kapag nakita ang lungkot sa kanyang mga mata. “Sige, baka mamaya may kumuha sa inyo sa ilalim ng tubig” Huling pananakot ng ina bago siya bumalik sa pag-aayos ng kanilang kama.

Tulog na ang buong pamilya sa kanilang kwarto, maliban na lang sa dalawang batang hindi makatulog dahil sa kasabikan na maglaro pa. Kaya naman nagkatinginan sila, walang nasambit na mga salita pero nagkakaintindihan sila. Dahan-dahang tumayo si Paolo sa kanyang higaan, tahimik dahil sinusubukan niyang hindi magising ang kanilang magulang. Sumunod rin naman ang kanyang kapatid. Palihim silang naglakad papuntang dalampasigan. Ang kanilang maliliit na paa’y umaapak sa mamasa-masang buhangin.

Bago pa man sila makalapit sa tubig, naramdaman si Aidan ang mahinang tapik sa kanyang balikat. Napatalon naman siya sa gulat kaya't lumingon din si Paolo. Isang 78-anyos na lalaki ang lumapit sa kanila, “Hoy, mga bata. Ano pang ginagawa niyo dito sa ganitong oras? Bumalik na kayo dahil delikado na sa dagat.”

“Mabilis lang po kami dito, at d'yan lang po kami sa dalampasigan. Hindi naman po kami aabot sa malalim na parte ng tubig” Sagot ni Paolo. Nagdadalawang isip na si Aidan kung dapat pa ba silang tumuloy, “Pao, sure ka bang tutuloy pa tayo? Parang natatakot na rin ako”

“Bakit ka matatakot eh kasama mo nga ako? Tsaka, mabilis lang tayo kasi baka hanapin na rin tayo ni mama” pangungumbinsi ni Paolo. Nakatayo pa rin ang matanda sa likod ng mga bata, at nararamdaman niyang hindi sila makikinig sa kanya kaya naman nag-iwan na lamang siya ng huling babala, “Basta kapag may narinig kayong sipol, tumakbo na kayo paalis sa dagat.” Tahimik na naglakad papalayo ang matanda.

Nakakatakot ang kanyang huling sinabi pero hindi ito sapat para pigilan ang magkapatid na maglaro sa dagat. Hindi sila nagpaapekto sa takot, at binalewala ang mga babala.

Inapak na nila ang kanilang maliliit na paa sa tubig. Malamig ito, at mas malamig kaysa sa inaasahan nila, ngunit hindi na nila ito pinansin at nagpatuloy silang maglakad papunta sa mas malalim na parte ng dagat. Nagkatinginan si Aidan at Paolo, lumaki ang kanilang mga ngiti at naghabulan na sila. Ang mga alon ay tila nag-aanyaya, sumasalubong sa kanila ng mga malalaking hampas na punung-puno ng saya. 

Ngunit hindi rin nagtagal ang kanilang tawanan dahil biglang may sumipol at nagbago ang ihip ng hangin, mas naging mabigat ito. Dahil sa lakas ng kanilang tawanan at sa pagtalsik nila ng tubig sa isa't-isa, hindi nila narinig ang sipol na palatandaan na umalis na sa tubig. 

Tumapak si Paolo sa isang bato, nagtaka siya dahil madulas ito at hindi gaanong katigas, pero inisip na lamang niya na dahil lang ito sa lumot. Naputol ang kanyang iniisip nang marinig niya ang tawag ni Aidan, “Pao, punta ka rito, may blue na shell dito oh!” 

Bago pa niya maitaas ang kanyang paa, mayroon siyang naramdaman—isang hatak, bahagya sa simula, pero dahan dahan siyang hinihila. Tumaas pa lalo ang  temperatura ng dagat at parang tumatagos sa kanyang balat ang lamig.

Nanigas si Paolo. Lumakas ang hatak, hinila siya hanggang sa mawalan siya ng balanse at bumagsak mula sa batong inaapakan niya. Ang kanyang katawan ay sumisid sa nagyeyelong tubig. Ang alat ng dagat ay dumapo sa kanyang mga mata hanggang sa hindi na niya ito maimulat. Habang sinusubukan niyang umahon, may pumipigil sa kanya. Kinakaway niya ang kanyang mga kamay, pilit na inaabot ang ibabaw at umaasang makita sana siya ni Aidan. Hindi rin niya maintindihan bakit hindi siya makasigaw, at ang kaya lang niyang igalaw ay ang kanyang mga braso at kamay. Pumasok ang takot sa kanyang dibdib habang lalong nagdilim ang ilalim ng tubig, hanggang sa mapagod na ang kanyang kamay sa paghingi ng tulong.

Hindi pa natapos ang mga pangyayari dahil bumalot sa kanyang bibig at mata ang parang manipis na lubid, umikot sa kanya na parang mga galamay, hinihila siya sa isang yakap na hindi niya matatakasan. 

Gusto niyang tumakdyak, gusto niyang sumigaw, pero wala siyang magawa. Iniisip na lamang niya ang kaniyang ina na pinagsabihan silang ‘wag na tumuloy sa dagat. Sana pala'y nakinig na lamang sila. Biglang nakarinig siya ng sipol—ito na yung sinabi ng matandang nakasalubong nila kanina, ngunit masyadong huli na para sila'y tumakas. 

Nang akala niya’y sasabog na ang kanyang baga, naramdaman niya ang presensya ng isang taong lumalangoy papunta sa kanya. Hindi niya malaman kung si Aidan ba ito, o isang kapamilya. Sinubukan siyang hilahin paakyat, ngunit andoon pa rin ang humihila sa kanya pababa. Naramdaman niyang sumuko na ang kanyang katawan sa paggalaw hanggang sa tuluyan na siya mawalan nang malay. Huling narinig niya ay ang sipol na sana'y pinakinggan nila sa simula pa lamang.

…..

Nagising si Paolo sa clinic ng kanilang tinutuluyan, mapapaligiran ng tunog ng mga makina at bulong ng mga tao sa paligid. Nakita niyang nakaupo sa tabi niya si Aidan at ang kanilang mga magulang naman kay nakatayong kausap ang nurse. 

Halos hindi na niya maalala ang pag-ahon mula sa tubig, o paano siya nakaligtas. Lumingon si Aidan para tignan ang kapatid at nakita niyang gising na siya. Tumakbo siya sa kanilang ina at hinila ang kanyang bistida para sabihin na gising na si Paolo. “Ma, gising na po si Paolo.”

Lumapit na silang lahat sa kama para kausapin ang bata. “Paolo,” malumanay na sabi ng nurse, “maikukuwento mo ba sa amin kung ano ang nangyari?”

Natutuyo ang lalamunan ni Paolo, na para bang binalutan siya ng takot na sabihin ang katotohanan, at nanigas ang kanyang mga daliri. Ang alaala ng lamig, ng bigat, at ng pagyakap sa kanyang mga binti ay nanatili na parang sugat. Nilunok niya ang kanyang laway, at halos pabulong na lamang ang kanyang kayang gawin.

“May nakita akong itim na buhok sa ilalim ng dagat…”


Kriszel Catarroja

Kriszel is currently an AB Communication student at the University of Santo Tomas. She is a literary writer but finds herself exploring films in different genres, expressing her emotions through journalling, and losing herself in reading books.

Previous Post Next Post