We start off our third day strong with a message on women empowerment by Gabrielle Busto of 1COM4. This poem is our much-needed reminder that being a woman is not an obstacle but a strength. Women today are still being mistreated but that is all the more reason to fight for equality and respect just as the poem says.
Babae Ka!
by Gabrielle Angeli S. Busto
Babae
Nakakurba sa kanyang katawan ang magagandang detalye
Nakadikit ang halaga sa isang imahe
Imaheng batay sa lipunang hirap umabante
Babae, siyang nag luwal
Ngunit pati respeto para makuha ay kailangan pang idasal
Sa sinapupunan ika’y dinala
Ngunit meron pa rin mga makapal na mga mukhang tawaging tayong mahina
Babae, babae ka lang
Hindi tao, kung hindi isang bagay lamang
Dinidiktahan ang pwede mong gawin at isigaw
Dahan-dahan, kalkulado ang mga galaw
Babae, babae ka lang
Emosyonal, irasyonal, hindi matapang
Habang tumatanda, nawawala na ang kinang
Kapag hindi naging ina, nag asawa, o nagkaanak, isa na itong sayang
Babae, babae ka lang
Pangalawa, nasa baba, malayo sa sapat, laging may kulang
Parati na lang kinukulong sa isang kahon
Tinatapakan ang aming mga karapatan hanggang ngayon
Ngunit—-
Babae, tandaan mo na hindi ka babae lang
Ika’y may boses, prinsipyo, at may pinaglalaban
Ang iyong kababaihan ay ang iyong kapangyarihan
Halina’t wasakin natin ang ating katahimikan
Babae, tandaan mo na hindi ka babae lang
Dahil daig mo ang mga bituin sa pagkinang
Wala masasabi ang kalaban sa taglay mong tapang
Sa naratibo nila, huwag ka magpalinlang
Babae, tandaan mo na hindi ka babae lang
Ang halaga mo ay nakabatay sa iyo, hindi kailanman sa kanila
Sa lipunang ginagalawan, ikaw ang simbolo ng pag-asa
May karapatan kang umabante at lumaya
Babae, Babae Ka!
Tanggalin mo sa salitang “lang”
Ipagmalaki at isigaw mo na babae ka!
Sa pagtindig at pagbabago, tayo’y magkasama.