![]() |
Artcard by Julia Mendoza |
Gagi, ang sakit! Kailangan ko na yatang sumugod sa ER. Kaso nakakahiya, hindi ko naman close ang mga kasama ko, pero hindi ba mas nakakahiya kung mamaya, hinimatay na ako rito at gumawa pa ako ng eksena? O 'di kaya naman ay matae ako sa panty ko, tapos tumagos sa shorts ko, tapos ang daming makakakita tapos pagtatawanan nila ako tapos magtatago na lang ako buong araw sa isang tabi kasi makukuhaan pa ako ng litrato? At kahit wala silang pruwebang nangyari nga talaga, eh iyong mga ganoong pangyayari ay hindi naman kinakalimutan ng mga tao kahit anong pilit nila. Ako nga, hanggang ngayon, naaalala ko pa iyong kaklase kong natae sa jogging pants niya noong elementary kami. Pero iba na ‘yong ngayon, malaki na ako eh. Bata pa ako noon, oo. Grade five pa kami noon, grade six na ako ngayon. Dapat parang high school student na rin na “prim and proper” - favorite words ni Mama (tawag ko sa lola ko) na kung bigkasin niya’y may gigil habang sa akin nakatingin kahit kung minsan ay hindi naman talaga ako ang kausap niya.
Si Mama ang nagpalaki sa akin eh, kaya noong pumanaw siya… hindi na rin ako lumaki. Aww! Pati na rin ang tangkad ko, tila hinahanap ko pa rin. Hindi ko ninanais pa ngayong mag-drama at hindi ko style iyon. Ang mahalaga sa ngayon, masolusyunan ko na kung ano ba talaga ang gagawin ko sa kalagayan ko dahil ang sakit na talaga, parang hindi ko na kakayanin. Marami pa akong gustong makamit sa buhay pero kung ito na nga iyon, sige, sasama na lang ako kay Mama. Huwag na sa angkang natira, kasi hindi ko nga sila close. Hindi ko nga masabi ang sitwayon ko ngayon kahit ang sama ng pakiramdam ko at kailangan ko na yata ng tulong.
Sinubukan ko na munang mag-CR. Baka mailabas ko na itong sama ng loob na ito. Iyon ang kailangan ko sa ngayon, maalwan. Aysus! Ang haba ng pila, eh CR lang ito sa bahay ni insan. Birthday birthday pa kasi eh. Mag-iimbita nang kasingkwentang tao at pilit pagsisiksikin sa munting bahay na dadalawa lang ang palikuran. Hays! Paano na lang ang mga kagaya kong may pinagdadaanan? Hindi ninyo ako responsibilidad pero 'lamoyon? Bahay ninyo ito. Wala akong kakilala gaano rito. Wala rin ang mga magulang ko. Nahihilo, nalilito, aasa ba ako sa inyo? ‘Wag na nga. Uuwi na lang ako... On second thought, baka responsibilidad niyo nga ako. Bata pa ako eh.
Sa wakas, nakaabot ako sa kubeta nila, pero pagpasok ko… “Oh, my Gosh! What the *toooot*! Hala, may dugo!”
Artcard by Julia Mendoza |
Nais ko pa sanang magpahingalay upang makahinga ako mula sa natuklasan ko pero mahaba pa ang pila sa labas. Sa taranta ko, hindi ko na alam ang susunod na gagawin, o ang susunod na mangyayari, o sino’ng susunod na kakausapin. Basta. Nagnilay-nilay ako sa kung ano ang maari ko pang gawin, pero pagtingin ko, wala akong dalang datung tapos wala naman akong cellphone. Hindi pa sumama sila Mommy. Hayaan mo na nga. Lumabas na ako. “Bahala na,” sa isip-isip ko. At kung masyado akong magtagal sa palikuran nila, eh baka kung ano na ang isipin ng mga bisita. Ayaw ko namang mag-alala rin kayo. Pero bakit, kayo nga, hindi naman kayo dinudugo.
Argh! Ang ingay sa labas. Mas nagiging iritable na ako. Hindi naman ako ganito sa karaniwang araw. Mas mataas ang pasensya ko sa mga makukulit na magugulo, at nakakairitang mga iyan. Hinayaan ko na lang sila, basta huwag nila akong guguluhin. Noong nakita ko si Tita na paparating mula sa ingay na dala nang paniniyot ng mga litrato ng magkakamag-anak, hindi ko mawari kung bakit tila ba hinalinhan ng kaluwagan ang dibdib kong kanina ay puno ng kaba at taranta. Lumapit ako sa tiyahin ko at ipinagtapat na mayroon na ngang dugo sa panty ko.
Naging kalmante ko ang kalmadong tono sa tugon ng tita na huwag mag-alala, ipikit ang iyong mata, huminga muna. Normal lang daw ito kahit na parang napaaga raw ang sa akin dahil nga bata pa ako. Doon ako natauhan sa bagay na tama lang pala na aking kinatakutan dahil simula sa araw na ito, buwan buwan na akong dadalawin. Buti na lang may hinagap na akong nalalapit na siya pero malay ko bang ito na ‘yon. Karaniwan sa mga kababaihan, hindi mo mahahalatang may iniinda silang pulupot, kirot, hapdi at antak sa sistema nila sa mga panahong may dalaw sila. Minsan nga, hindi lang pisikal na sakit kundi pati na rin ang pighati, lumbay, hinagpis, kirot, hapdi, sakit, pagtangis, siphayo, dalamhati, puot, daing, at sawi na hindi mo maintindihan kung anong pinanggalingan.
Nawawari ko na ngayon ang nangyayari sa katawan ko, pero hindi ko naman alam ano ang gagawin. Malay ko. First time ko lang at wala namang nagturo sa akin. Hindi ko pa lubos maintindihan kung bakit naging taboo ang temang ito. Ni hindi nga masabing “Nireregla ako.” sa iba lalo kapag maraming makakarinig. Kailangang “Meron ako.” ang madalas na pahayag kapag dinadalaw. Kapag may tagos naman ay, “Meron ba?” pero naiintindihan kaagad ng kapwa mo babae na iyon ang tinutukoy mo. Tila nakakaaliw na nakakapagtaka.
Nakakapagtaka kung bakit hanggang ngayon hindi pa rin maitulak sa sistema ng edukasyon sa bansa natin ang sex education. Samantalang, makakatulong naman ito upang maiwasan ang dapat na iniiwasan at para na rin sa kaalaman ng mga kabataan. Hindi ‘yong umaasa lang kami sa sabi-sabi nang hindi namin matayahin kung saan makakakuha ng impormasyon sa mga bagay na bago sa amin o kaya kung hindi ka makarelate, eh interesado at usyoso ka lang.
Hindi pa rin sapat sa’king usyoso lang at gustong umintindi. Sa tindi ng iniinda ko, dapat maranasan din ninyo. Ang daya! Hanggang sa bodily functions, patriarchal pa rin. Hayaan mo na nga, mas maigsi naman buhay nila. Biglang napuno ako ng gigil sa bawat lalaking nakakasalubong ko, ang mga mata na wala namang ideya sa pinagdadaanan ko at wala namang kasalanan na ganoon lang talaga silang ginawa. Baka mangatwiran pa silang may tuli nga sila tuwing puberty, eh minsanan lang iyon, ‘no? Itong sa aming mga babae, forever na. Kami na nga ‘tong nagdadalang-tao, nanganganak, kami pa lahat sa bahay. Ito na ba talaga ang kapalaran ko? Nabura na lamang ang ingay ng kasiyahan sa paligid ko dahil napalitan ng ingay na mga gumugulo sa isip ko.
Sa sobrang masinsin kong nag-iisip, katabi ko na pala si tita. May inaabot siya—napkin. “Sanitary pad, sanitary napkin, menstrual pad” kung tawagin. Hindi ko alam kung alin. Wala namang permanenteng pantukoy ang mga Pilipino roon. Eh ‘di kinuha ko lang, inaabot eh. Banyo na naman para gamitin ‘yong bagay na ‘yon na sinumpa na akong makita buwan-buwan habambuhay tuwing dadatnan. Pagpasok ko, nasinagan ng malabong ilaw ang inidoro, ang lababo, ang sahig, kisame, at mga dingding ng palikuran nila. Hindi ko nga rin pala alam kung paano gumamit nito. Eh wala palang label kung paano iyon ikabit. Ang tagal ko na namang nagbabad doon. Hala, sige! Hindi ko na lang ginamit dala nang kahihiyan.
Paglabas ko sa komportableng silid na iyon, ang daming matang nakatingin sa akin. Naku naman! Parang biglang close ko na pala sila at bida na ata ako kasi nauna pa akong magdalaga sa pinsan kong naggunita ng kapanganakan. Kinumusta ako nang iilan at ginabayan. Madali lang daw, ipapatong lang at itutupi ang mga pakpak, parang origami. Madikit siya sa kabilang gilid, malambot naman kung babaligtarin, kulay puti pero para dumihan din. May ibang may pakpak, may ibang wala. Mas matibay raw ang kapit sa salungguhit ng may pakpak. Sanayan lang talaga sa sining ng sapanahon pati na rin sa mapapadalas na pagbisita niya sa akin sa panahon.
Hindi ko man tinanggap ang kanilang mga patnubay, tinanggap kong wala na akong magagawa. Nandito na eh. Hindi ko na lang ginamit sa gulo nang pagturo. Hindi mademonstrate sa akin ang taboo na ‘to dahil nahihiya silang makita ng iba. Dapat pala itong ikinahihiya, itinatago at sinisikreto? Ako, ang sikreto ko na lang ay gumamit na lamang ako ng tissue bilang substitute.
May mga oras na lilipas na malilimutan mo palang nireregla ka, pero sa mga panahong iyon, lalo kapag wala kang suot na pad, magugulat ka na lang sa bubulagta sa iyo. Ngayong wala na ako sa CR at ang daming tao rito, narinig ko na lang bigla ang munti kong pinsan sa likod kong sumigaw nang “Hala, may dugo!” Natagusan ako sa tigas ng ulo ko.