Kumusta ka? Kumusta na ba ang puso mo? Ilang taon na, mamarcha ka na ba?
Sa pelikulang “I’m Drunk, I Love You” (2017) sa direksyon ni JP Habac, makikita natin ang kwento ng dalawang matalik na kaibigan na nagkaroon ng huling roadtrip pumunta ng La Union ilang araw bago ang kanilang college graduation.
Marami ang nadala sa kwento ni Carson at Dio, pero karamihan sa atin nakikita ang sarili sa mga paa ni Carson— ang patron saint ng mga martyr sa pag-ibig.
Baka naiisip mo ngayon ano nga ba ang alam ko sa unrequited love na yan at sa pinagdadaanan mo, sabi nga ng literary teacher ko noong high school “you cannot write about something you do not know about” o sa madaling salita kung si Carson at Dio mayroong Bagnet, Beer, Butterball, UP Diliman, at Elyu, ako naman nagkaroon ng mga kalsada sa Fairview, ang paaralan kung saan ako nag high school, Mogu mogu lychee, at Infinitea na milk tea. Kaya alam na alam ko ang nagtatalong pagmamahal at sakit sa loob ng puso mo. Hindi ako nandito para husgahan ka, isipin mo na lang na ako si Jason Ty, ang dakilang mong time checker at isa mo pang best friend.
Time Check
Photo From TBA Studios |
Bakit nga ba tayo nagkakagusto sa alam natin dapat kaibigan lang? Worse, bakit ba tayo nagkakagusto sa taong hindi naman tayo gusto? Sabi sa mga academic studies, ang kabataan ay nagiging biktima ng unrequited love dahil masyado tayong hopeful at mayroon tayong idealized romantic beliefs na nagdudulot para maromanticize natin ang mga bagay bagay.
Iba’t-iba tayo ng dahilan kung bakit tayo nagkakagusto sa mga taong hindi tayo mahal—- siguro para sa iba, andito ang thrill, ang iba naman napaasa na mukha naman gusto sila pabalik, baka ang iba minahal naman talaga ngunit hindi sa paraang gusto nila, pero ang katotohanan ay simple lamang—- nagkakagusto tayo sa taong hindi naman tayo gusto pabalik dahil nagmamahal lang tayo.
Dito papasok ang time check. Minsan sa sobrang pagmamahal, tayo na mismo nagbibigay ng ultimatum sa sarili natin pero kahit anong “last na to,” “after nito, aamin na ako,” “lalayuan ko na kapag nakaamin na ako,” ang paa natin ang nakadikit pa rin sa pag-asang sana tayo’y mapili at sana ngayon lumingon naman siya dahil andito lang naman sa tabi niya ang pag-ibig na kanyang hinahanap.
Ngunit, time check na, Carson. Ilang taon na ba yang pagmamahal mo na nakahain sa harap niya at sa ilang taon na iyon lumingon ba siya?
Tara Elyu
Photo from TBA Studios |
May balak ka bang umamin? Gusto ko lang malaman mo na wala rin mali kung wala kang balak sabihin ang iyong nararamdaman. Nakakatakot nga naman talaga masira ang pagkakaibigan. Walang mali sa pagmamahal na nanatili sa gilid lamang, ramdam, at handa magparaya.
Ngunit kahit na sabihin natin na ang pag-ibig na mayroon tayo ay parang hangin— tahimik at lagi andyan, may uusbong pa rin ang kagustuhan na sumugal kung mabibigyan lamang ng pagkakataon. Kung pagbibigyan nila ng pagkakataon para alagaan ang puso natin katulad ng gaano natin binibigyang halaga ang puso nila. Kung pahihintulutan lang naman nila tayo. Kung susugal rin sila sa atin pabalik.
Subalit hindi sa lahat ng oras ay nananalo tayo sa sugal. Minsan, uuwi tayong panalo. Minsan, talo. Minsan, tayo lang naman pala ang handang sumugal. Ang pagkatalo, sa aking palagay, ay hindi naman talaga talo. Matuturing bang pagkatalo ang pag-ibig at puso na meron ka? Ang tunay na uuwing panalo ay ang mga nagmahal at nasaktan kaysa naman sa mga hindi na nagmahal dahil takot masaktan. Lagi mong tandaan na walang sayang pagdating sa pagmamahal.
Kaya Carson, huwag ka matakot sumugal. May taglay na katapangan ang pagpili na magmahal sa mundong walang kasiguraduhan.
Graduation
Photo From TBA Studios |
Ang graduation ay hindi natatapos sa pag amin mo (o sa hindi mo pag amin), ang tunay na graduation ay ang pagsambit ng mga salitang “ako naman muna.” Nakakatakot na mawala si Dio sa buhay natin pero dadating tayo sa punto na mas nakakatakot pala mawala ang sarili natin, ang mga natitirang katiting ng kung sino tayo. Huwag mong gawing mundo si Dio dahil ikaw ang bida ng buhay mo, Carson.
Maiiwan ko ito sayo, siguro hindi lang naman natin palagi pinapanood ang IDILY para patuloy natin maramdaman ang sakit na kasama ng pagmamahal, subalit pinapanood natin ito ng paulit-ulit dahil mayroong katiting na pag asa sa ating puso na katulad ni Carson na puno ng pagmamahal, tayo rin ay makaka-graduate. Tayo rin ay makakausad.
Oo, hindi niya kasalanan na hindi ka niya mahal pero hindi mo rin kasalanan na nagmahal ka. Kung baga, hindi lang talaga kayo para sa isa’t isa. May nagsabi sa akin na napakakulay ng mundo para manatili lamang habang buhay sa mundong kasama sila. Kailangan mo magpatuloy.
Kung naghahanap ka ng sign, ito na iyon. May buhay, maraming tao na makikilala, at mas maraming pagmamahal na pipiliin ka sa pagtapak mo sa labas ng UP Diliman at napakaganda ng mga ito kung hahayaan mo ang paa mong maglakad palayo sa mga bagay at tao na hindi para sa iyo.
—-with so much love,
a retired Carson
Batch 201X - 202X