Kalayaang Nilapastangan

Photo by the Author

Isa sa mga pundasyon ng demokrasya
Ang mga tagapahayag na nagbabalita,
Ng katotohanan sa masa
Kahit buhay nila'y nakataya

Lalo na sa panahong ito,
Na ang kalaban ay gobyerno
Patayan doon at dito,
upang katotohana'y maitago

Kabilang na din ang pagsasara
Ng isang network ng masa,
Na pilit lumaban para sa kinabukasan
Ngunit nanaig parin ang kasakiman

Walang awang tinanggalan
Ng trabaho ang mga mamamayan,
Para lamang sa kapangyarihan
Na tila'y kanilang diyos-diyosan

Sa panahon ngayon, ang magsalita
Ay tila isang malaking sugal,
Na kung saan buhay mo'y nakataya
Kahihinatnan mo pa'y karumal dumal

Mga tagapahayag ngayo'y tuliro
Dahil isang salita lang laban sa nakaupo
Katumbas na nito'y kanilang mga ulo
O kaya nama'y bagsak nila ay sa presinto

Ang demokrasya at katotohanan
Ay unti-unti ng nilapastangan
Ng mga gahamang nasa kapangyarihan,
Na siya na ding naging sakit ng bayan

Hahayaan mo nalang bang magpatuloy ito?
O ika'y makikiisa sa pagsusumamo
Ng mga tagapahayag na nagsakripisyo
Upang katotohana'y maipadala sa mga tao?

Hahayaan mo ba ang patuloy na pagsupil sa katotohanan?
Ang pagkitil sa demokrasya?
Ang pang-aalipusta sa kalayaan?
O ika'y magiging tagapag-adya,
Ng katotohanang dapat protektahan?

Sigihan mo ang pag-iisip
At gisingin ang diwang nahihimbing
Marahil isang araw ika'y magigising,
Ang katotohanan naman ang nahihimbing.
Lorie Ann Joven

L.A is a Communication student at the University of Santo Tomas and a member of the Literary Team of the UST-CASA-Chronicle. She likes cats a little too much, writing stories about colored lines she sees from anime and pixels from video games she plays. She also consumes an unhealthy amount of fanfiction in Ao3. She's pretty chill though.

Previous Post Next Post