Photo by the Author |
Babala: Ang maikling kwento na ito ay naglalaman ng mga elementong maaaring nakababahala sa mambabasa. Diskresyon ng mambabasa ang kailangan.
11:50 ng gabi ng ika-31 ng Oktubre, tahimik na nagtitingin si Elisa ng mga posts sa Facebook habang siya’y mag-isang nakahimlay sa kanyang kama. Puno ng posts tungkol sa undas ang kanyang newsfeed at may iilan din namang mga nakakatakot na kwento. Karaniwan ay hindi niya ito pinapansin pero may isang post na nakaagaw ng kanyang pansin:
Tuwing hating gabi ng ika-1 ng Nobyembre, may isang multo na mahilig bumisita sa mga taong nag-iisa. Madalas siyang nakikitang nakangiti at balot ng dugo habang nakatayo sa isang sulok ng silid. Unti-unti siyang lumalapit sa mga taong nakakakita sa kanya at magtatanong.
“Kilala mo ba ako?”
Kapag sumagot ka ng hindi, papatayin ka niya.
Kapag sumagot ka naman ng oo, mas lalapit pa siya.
Mas lalawak ang kanyang ngiti, ilalapit ang mukha niya sayo, at magtatanong muli.
“Maganda ba ang ngiti ko?”
Kapag umiwas ka ng tingin, papatayin ka niya—
Umirap si Elisa at nilagpasan ang post bago niya itong tapusin basahin. May mga tao bang naniniwala doon? Halata namang gawa-gawa lang iyun ng mga manunulat na walang magawa sa buhay nila.
“As if naman may mga multo talaga.” Wika ni Elisa at patuloy na nag-scroll sa kanyang cellphone.
Tahimik lang siyang nagla-like at share ng mga posts na sa tingin niya ay nakakaaliw hanggang sa may narinig siyang kaluskos sa loob ng kanyang silid. Binalewala niya ito nung una hanggang sa may narinig ulit siyang kaluskos. Napatigil siya at kumabog ang kanyang dibdib. Sa hindi malamang dahilan, biglang pumasok sa isip niya ang kwentong nabasa niya kanina. Pumaling ang kanyang paningin sa orasan.
12:00 am.
Nagtaasan ang lahat ng balahibo niya sa katawan.
Hindi, gawa-gawa lang yun. Hindi iyun totoo—
Halos tumalon ang kanyang puso ng may maaninag siyang anino na nakatayo sa gilid ng kanyang silid. Dahan-dahan niyang ipinihit ang kanyang ulo sa direksyon kung saan niya ito nasumpungan at napako siya sa kanyang kinahihigaan nang mapagtanto niyang hindi siya namamalik mata.
May isang babaeng nakatayo doon; siya’y nakasuot ng gunít-gunít na puting damit, nakapaa, sobrang puti ng balat, ang itim niyang buhok ay umaabot sa sahig, sobrang itim ng kanyang mga mata, matangkad siya at ang katawan niya ay hindi kagaya ng mga normal na tao dahil ang kamay niya ay umaabot sa lapag, balot siya ng dugo mula ulo hanggang paa, at higit sa lahat, nakangiti siya na para bang siya ay siraulo.
“Kilala mo ba ako?”
Tanong nito at nanlaki ang mata ni Elisa. Lakas loob niyang pinigilan ang sariling sumigaw dahil baka siya ay patayin nito. Halos sumabog ang dibdib niya sa kaba at takot habang pilit na inaalala ang tamang sagot.
“Oo,” sagot ni Elisa.
Kagaya ng sinabi sa kwento, lumapit nga ang babae sa kanya nang dahan-dahan, ang ngiti niya ay mas lumalawak. Tumigil ito sa harap ng kama ni Elisa at inilapit nang todo ang mukha nito sa kanya hanggang sa halos magkadikit na ang kanilang balat,
“Maganda ba ang ngiti ko?” Tanong niya, ang mga itim nitong mata ay direktang nakatingin sa mga mata ni Elisa.
Huwag kang iiwas ng tingin, huwag kang iiwas ng tingin!
Ngunit ng mga sandaling iyun, naalala ni Elisa na hindi niya tinapos basahin ang kwento.
Ano ang isasagot ko?!
Lumipas ang ilang segundo at hindi parin nasagot si Elisa. Bahagyang napawi ang ngiti ng multo at aamba na sana ito upang sakalin si Elisa gamit ang mga mahahaba nitong kamay nang umirit si Elisa, “Oo! Maganda ang iyong ngiti!”
Tumigil ang multo at nagpakawala ng maikling tawa habang nakatitig parin ito kay Elisa. Kinilabutan nang todo si Elisa at muntik na siyang maihi sa takot sa kanyang kinahihigaan nang literal na umabot sa tainga ang ngiti nito.
“Ganun ba? Sige, bibisitahin ulit kita sa susunod na taon para tanungin.” Humahagikgik na wika ng multo at unti-unting naglaho sa silid ni Elisa.
Agad na nakahinga nang maluwag si Elisa at dali-daling nagtalukbong ng kumot dahil sa takot. Hindi niya mawaksi sa kanyang utak ang hitsura ng multo lalo na ang ngiti nito. Huminga siya nang malalim at unti-unti na siyang kumakalma nang manlamig muli ang buo niyang katawan.
Wait, tatanungin niya ulit ako sa susunod na taon?
Ikaw? Naniniwala ka ba sa kwentong ito?
Kung hindi, mag-ingat ka at siguraduhin mong hindi ka mag-isa sa hating gabi ng undas… Baka ikaw na ang bisitahin niya sa susunod.