Titila Rin Ang Ulan

Photo by the author


Ulan. Uulan na naman. Umaga pa lamang ngunit kitang-kita na ang paghabol ng dilim sa liwanag, parang kumot na unti-unting bumabalot sa akin ng karimlan.


“Anong nangyayari sa iyo?” tanong ng mga tao sa aking paligid.


Hindi ko rin alam. Kung ano ang kanilang tinutukoy. Kung ano ang mismong sagot sa kanilang katanungan. Ang alam ko lamang ay biglaang napawi ang mga ngiti at tawa na lagi kong dala-dala. Baka natangay ng malakas na pagaspas ng hangin?


“Hindi ka naman ganito dati,” ika nila, nakatingin sa lugmok kong katawan na nakahilata na naman sa kama.


Sa kamay nilang mahigpit ay ang mga marka kong pasulong na bumababa. Ah, ayun pala ang nais nilang pag-usapan. Hindi nga. Hindi nga ako ganito dati. Pero ano bang dapat kong gawin? Ang tanging kaya ko lamang ngayon, ang kaya lamang pagbigyan ng aking katawan ay ang lumuha at magkulong sa kwarto. Ilang araw na rin ito. Nakatulala. Nakahiga. Ni ang simpleng bagay na paggising ay kinatamaran ko na. Hindi nga. Hindi nga ako ganito dati—maagang bumabangon para makapasok sa eskwela, naglilinis ng bahay sa tanghali, mag-aaral sa hapon, at pipinta sa gabi.


Paano nga ba ako naging ganito? Sa pagod? Sa paulit-ulit na aking mga gawi ngunit hindi ko parin alam saan ako patungo? Para saan nga ba ang ginagawa ko? Para sa akin pa ba? Sa aking magulang na umaasa sa akin maging matagumpay? Sa bayan ko na patuloy na inaapi? 


Napakarami. Sabay-sabay sila. Sa isip ko. Parang ulan na bumubuhos–isa, dalawa, tatlo, hanggang sa milyun-milyong patak. Na dumating sa puntong hindi na ako makagalaw. Isang napakalaking balintuna–na kapag ipinagkaloob sa iyo ang karami-rami, ay darating sa puntong wala kang magagawa. 


“Nag-iiinarte ka na naman,” sabi nila. “Kulang ka kasi sa dasal.” 


Iyan ang sabi nila noong hindi ko napigilan ang mga luhang bumagsak. Noong sinabi kong baka kailangan ko ng tulong. Noong sinabi kong mayroon akong dinaramdam. Kulang lang pala ako sa dasal! Akala ko nasobrahan. Akala ko wala naman kasing nakikinig. Akala ko walang patutunguhan. Akala ko hindi kailangan… Sa isang dasal nga lang ba nakasalalay ang lahat?


Ang hina ng loob mo. Mahina ka.” 


Iyan ang sabi nila, habang umiiwas ng tingin sa mga luhang patuloy na dumudulas mula sa aking mga mata. Sa bagay, wala namang magpupunas ng aking mga luha kung 'di ako lang rin. Kaya hinayaan ko silang lumisan, at hinayaan magpatuloy ang aking pagduyan sa sariling lumbay.


Hindi rin ako ganito dati. Hindi ako iyakin, maarte, mahina—sabi nga nila. Hindi ako mahina lalong lalo na sa harap ng iba. Puwede lang ako maging mahina kapag… mag-isa. Oo. Tuwing naiiwan sa tahanan. Tuwing nakakulong sa aking munting silid. O di kaya’y nakahiga sa ilalim ng mga bituin. 


Ngunit nakakapagod pala… pagod na akong maging malakas. Pagod na akong ngumiti, kalimutan at itago na mayroon din akong nararamdaman. Na nasasaktan din ako. Na nahihirapan din ako. Na nabibigatan ako. Na naghihikahos na lamang akong humanap ng silong mula sa hindi kaaya-ayang reyalidad.


“Ayos ka lang ba?” tanong ng isa.


Iyan din ang katanungan ko sa sarili ko. Ngunit ang marinig ito mula sa iba… isang wikang nakakawindang. Nakakapanibago. Nakakabigla. Sa mga salitang iyon, ay para bang huminto ang ulan. Nakahanap ako ng silong, kahit ba… panandalian lamang.


Ito pala ang mga katagang aking hinihintay. Ganito pala ang tonong nais kong mapakinggan. Malumanay, dahan-dahan. Tulad ng paghaplos ng ina sa kaniyang bagong silang na sanggol. O ng paghuni ng ibon sa pagtatapos ng isang bagyo. 


Oo ayos lang ako…” ang aking sagot, kahit na isang kasinungalingan.


Ngunit ako ay bahagyang ngumiti, sa pasasalamat. Dahil napagtanto ko, na hindi ko kailangan na paulit-ulit paalalahanin na mahina ako, na may mali sa akin, na hindi na ako tulad ng dati. Alam ko na iyan. Iyan ay nakaukit na sa aking mga braso. Damang-dama ko iyan sa bawat pagmulat ko sa umaga. Nakatatak na iyan sa aking isip bawat galaw na aking ginagawa. Ang kailangan ko ay pag-uunawa. Kailangan ko ng tulong. Oo, inaamin ko.


Walang pisikal na anyo ang nararamdaman ko. Hindi ito madaling makita. Hindi rin ito madaling ipakita. Tulad ng araw na nagtatago sa tuwing darating na naman ang ulan. Ngunit hindi ibig sabihin nito ay hindi ito totoo, na ito’y pag-iinarte o isang kahinaan. 


May mga oras na ito’y bumubuhos na parang bagyo. Kagilagilalas na dilim at bugso ng hangin. Minsan ito’y parang ambon. Kinakaya pang lusungin kahit walang pananggang payong. O di kaya’y parang tikatik. Magaan, dahan–dahan, bumibigat sa tagal ng pagpatak.


Pero huwag kang mag-alala. Ito’y titila rin. 

Lei Janine C. De Guzman

Lei is a Communication student and a Literary Writer for CASA Chronicle. As a person who loves to dwell in various forms of art, she spends her time binge-watching movies and anime, reading fantasy novels, and drawing on her tablet. She ultimately believes in the saying, "The future belongs to those who believe in the beauty of their dreams."

Previous Post Next Post