![]() |
| Artcard by Author |
Pero may ibang klaseng hiya rin. 'Yung hindi lang simpleng pagiging tahimik. 'Yung hiya na galing sa takot. Takot makita. Takot mapansin. Takot na makulong sa iisang pagkatao habambuhay. Parang isang pagbabago lang, “hindi ka na katulad ng dati,” at isang maling impresyon lang, lifetime subscription na.
“The fear of being perceived,” ika nga.
Nakakatakot nga naman. Rasonable. Makatuwiran kumbaga. Kapag matagal ka na kasing nasa iisang lugar, tila unti-unti nang nabubuo sa isip ng mga tao ang isang tiyak na bersyon kung sino ka. Kaya minsan, nagiging mabigat ang bawat kilos at galaw, na para bang kailangan mong panindigan ang imaheng nakasanayan nilang makita. Sa oras na may gawin kang lampas o taliwas sa inaasahan nila, mabilis kang natatatakan bilang “out of character” sa paningin nila. Para kang inilalagay sa isang kahon. Masikip, limitado, at mahirap takasan.
Puwede ring ang hiya ay nagmumula sa takot na mahusgahan. Kaya minsan, maingat ang isang tao sa kung ano ang ipinapakita niya sa iba. May maskara na kailangang panindigan para manatiling “katanggap-tanggap” sa paningin ng nakararami. Natatakot silang ipakita kung sino talaga sila, pati ang mga totoong hilig at interes nila, dahil baka hindi ito pasok sa nakasanayang tingin ng tao kung ano ang “ayos” o “cool”.
Kaya may mga taong akala mo kilala mo na, pero hindi pa pala talaga. May mas malalim pa pala silang personalidad—mas marami pang kuwento, opinyon, at karanasang hindi nila basta-basta inilalantad. Takot lang silang malagyan ng etiketang hindi naman tunay na sumasalamin sa pagkatao nila.
Sila rin madalas ang labis madismaya kapag may naglalarawan sa kanila na parang kabisado na sila, tapos saka nila marerealize na hindi pala talaga sila nakita nang buo. Dahil kadalasan, kung ano lang ang itinanong sa kanila, iyon lang din ang alam nila. Para kung ano lang ang impormasyong ibinigay sakanila, doon lang din umiikot ang tingin at pakikialam ng mga ito sa kanila.
Hindi sila tahimik at mahiyain. Ang totoo, maingat lamang silang nagbabantay sa ilang mga bahagi ng kanilang sarili upang hindi ito masira, matawanan, o mabigyan ng maling kahulugan ng ibang tao. Kung iisipin, parang Makahiya na halaman. Kalat sa mundo, lantad at kitang-kita, pero takot mahawakan. Umaatras, lumiliit, at tila kumukupas sa bawat haplos o paglapit. Pero sa kabila ng pag-iwas, patuloy pa rin nitong inaabot ang araw. Parang may tahimik na pagnanais na lumago, umangat, at mabuhay sa liwanag.
Ang problema nga lang, hindi ba nakakapagod mamuhay kung bawat kilos ay laging dumadaan muna sa tanong na, “Ano kaya ang iisipin nila?” Parang kalahati lang tuloy ng buhay mo ang tunay mong naipapakita. Consequences of a life half-lived, kumbaga. Sa sobrang pagprotekta sa imahe at opinyon ng ibang tao, doon na lang nauubos ang lakas mo. Unti-unti, nahihirapan ka nang makipag-ugnayan nang totoo at maipahayag nang buo kung sino ka talaga.
Kaya mahalagang alalahanin na ang maling pagkakaintindi ng iba sa’yo ay hindi naman nagbabago sa tunay mong pagkatao. Hindi nababawasan ang lalim mo bilang tao dahil lang hindi ka nila lubos na naunawaan. Sa maraming pagkakataon, hindi nito ipinapakita kung sino ka, kundi hanggang saan lang ang kaya nilang makita. At minsan, hindi mo rin kailangang paliwanagan ang lahat para lang patunayan kung ano o sino ka talaga. May mga taong hindi ka man lubos maintindihan, hindi ibig sabihin noon na mali ka na agad.
Sa huli, siguro bahagi talaga ng paglaki ang pagtanggap na hindi lahat ng tao ay makikita ka nang buo. May ilan na hanggang surface level lang ang kaya mong ipakita, at may ilan ding kahit anong paliwanag mo, pipiliin pa rin nilang manatili sa unang impresyon nila tungkol sa’yo. Pero hindi ibig sabihin ay kailangan mo nang ikulong ang sarili mo habambuhay. Darating din ang puntong mas magiging mahalaga ang pagiging totoo sa sarili kaysa sa pagiging madaling tanggapin ng iba. Dahil ang tunay na kalayaan ay nagsisimula kapag hindi mo na kailangang bawasan ang sarili mo para lang magkasya sa paningin ng ibang tao.
